Librong Night Owl isinalin sa Hiligaynon, Kapampangan, Bikolano
January 28, 2024
Ang aklat na nagdedetalye sa Build Build Build program ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay isinalin na rin sa mga wikang Hiligaynon, Kapampangan, at Bikolano, ayon sa may-akda nitong si dating Build Build Build Committee Chairperson Anna Mae Yu Lamentillo.
Ang aklat na pinamagatang, Night Owl: A Nationbuilder’s Manual, ay orihinal na isinulat sa Ingles at mula noon ay isinalin na sa Tagalog, Bisaya, at Ilokano.
“Ang layunin natin ay dalhin ang kuwento ng Build Build Build sa ating mga kababayan saan mang sulok ng bansa at mundo. Ang pagbabasa ng aklat na ito sa kanilang lokal na wika ay magbibigay-daan sa kanila na ganap na yakapin ang ating kuwento bilang isang bansang nagsulong ng inklusibong pag-unlad, na naging posible sa pamamagitan ng programang ito na nagdala sa atin sa tinaguriang Golden Age of Infrastructure ng Pilipinas,” ani Lamentillo.
Pinasalamatan din niya ang kanyang publisher, ang Manila Bulletin Publishing Corporation, sa pagsuporta sa pagsisikap na ito ng pagsasalin ng Night Owl sa mga lokal na wika upang makatulong na maipalaganap ang kahalagahan ng pagpapaunlad ng imprastraktura sa mas maraming Pilipino.
Ang Night Owl ay isinulat sa pananaw ni Lamentillo. Isinalaysay niya rito ang mga hamon na kinaharap ng Build Build Build team at ng administrasyong Duterte sa pagsasagawa ng napakalaking programang ito. Ibinahagi niya kung paanong sa pamamagitan ng political will, na pinalakas ng pagnanais na pasiglahin ang paglago ng ekonomiya ng bansa na mapapakinabangan ng lahat ng Pilipino, nagawa nilang makumpleto ang 29,264 kilometrong mga kalsada, 5,950 na mga tulay, 11,340 na mga estrukturang pang-iwas sa baha, 222 na evacuation centers, 150,149 na mga silid-aralan, 214 na mga proyektong paliparan, at 451 na mga proyektong daungan sa loob ng limang taon, sa tulong ng 6.5 milyong manggagawang Pilipino.
Kasama rin sa aklat ang isang kabanata sa Build Better More, ang programa sa imprastraktura ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kinabibilangan ng mga proyekto sa pagpapaunlad ng digital infrastructure ng bansa.