top of page

Lamentillo na-promote na Undersecretary ng DICT

November 14, 2022

Itinalaga ng Malacanang si dating Build, Build, Build chairperson Anna Mae Yu Lamentillo bilang Undersecretary ng Department of Information and Communications Technology (DICT). Bago nito, siya ay Assistant Secretary ng Departamento.


Pinangangasiwaan ni Lamentillo ang Information and Strategic Communications Division (ISCD) at International Cooperation Division (ICD). Siya ang namamahala sa strategic communications at media ng ahensiya. Bahagi rin ng kaniyang tungkulin ang pakikipag-ugnayan sa ibang mga bansa, partikular na sa pakikipagtulungan sa pamamagitan ng exchange of knowledge, technical expertise, at best practices sa digitalization.


Siya rin ang nakikipag-ugnayan sa Senado at House of Representatives upang matiyak ang pagsasabatas ng mga panukala na susuporta sa mga pagsisikap ng pamahalaan sa digitalization.


Bilang Undersecretary, hahawakan ni Lamentillo ang mas maraming dibisyon sa Departamento, at handa siyang gampanan ang mas malalaking gawain para tumulong sa pagtupad sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tugunan ang digital divide at isulong ang e-governance.


“Marami pang kailangang gawin para makamit natin ang universal connectivity at mapabuti ang mga pagsisikap ng gobyerno sa digitalization. Bilang Undersecretary ng DICT, umaasa akong makapagbigay ng higit na suporta kay Secretary Ivan John Uy sa pagtupad sa mandato ng Departamento. Ang pagpapabuti ng ating digital infrastructure at pagbibigay ng internet connectivity sa lahat ng ating mga komunidad ay nangangahulugan ng pagbubukas ng mas maraming pagkakataon para sa mga Pilipino na magkaroon ng mas magandang buhay. Bagama't mas malaki ang responsibilidad at mas marami ang gawain, nagpapasalamat ako sa patuloy na pagtitiwala sa akin ni Pangulong Bongbong Marcos,” aniya.


Hindi na bago si Lamentillo sa ganoong kalaking tungkulin dahil siya ang chairperson ng Build, Build, Build committee sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong administrasyon ni Pangulong Duterte. Ngayon, sa layunin ng Administrasyong Marcos na Build Better More, ipinagpatuloy niya ang gawain upang mapabuti ang buhay ng mga Pilipino at ikonekta ang mga komunidad sa bansa, ngunit sa pagkakataong ito sa pamamagitan ng digital connectivity.


Noong siya ay nasa Build, Build, Build, siya rin ang chairperson ng Infrastructure Cluster Communications Committee. Dati rin siyang nagtrabaho sa United Nations Development Programme (UNDP) at Food and Agriculture Organization ng United Nations (FAO) sa kanilang Haiyan Emergency Response and Rehabilitation Program. Nagtrabaho din siya sa parehong kapulungan ng Kongreso, ang Senado at ang House of Representatives.


Siya ang may-akda ng “Night Owl”, ang librong nagdedetalye ng mga nagawang imprastraktura ng Administrasyong Duterte. Nagpapanatili din siya ng isang column sa Op-Ed section ng Manila Bulletin at Esquire Magazine.


Nagtapos siyang cum laude sa University of the Philippines Los Baños na may degree na Development Communications, kung saan nakapagtamo siya ng pinakamataas na General Weighted Average para sa Development Journalism Majors at nakatanggap ng Faculty Medal for Academic Excellence. Natapos niya ang kaniyang Executive Education in Economic Development sa Harvard Kennedy School at ang kaniyang Juris Doctor program sa UP College of Law.


Pinarangalan siya bilang “Natatanging Iskolar Para sa Bayan” at nakatanggap ng Oblation Statute for the Virtues of Industry and Magnanimity. Ipinagkaloob sa kanya ng Harvard Kennedy School Alumni Association ang Veritas Medal. Pinangalanan siya ng BluPrint bilang isa sa 50 ASEAN movers at shakers, ng Lifestyle Asia bilang isa sa 18 Game Changers, at ng People Asia bilang isa sa Women of Style and Substance ng 2019.

Next Item
Previous Item
Back
bottom of page