top of page

Lamentillo, pinuri ang Digital Transformation ng Victorias City

February 9, 2023

Pinuri ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Anna Mae Yu Lamentillo ang lokal na pamahalaan ng Victorias City sa ilalim ni Mayor Javier Miguel Benitez para sa pagsusulong ng digital transformation ng lungsod.


Naging panauhin si Lamentillo sa “Launching of Digital-related Government Programs in the City of Victorias” noong Enero 30 sa Don Alejandro Acuña Yap Quiña Arts and Cultural Center, kung saan pormal na ipinakilala ni Mayor Benitez ang digital programs ng LGU, kabilang ang Sidlak City Digital Network Assets at Project VECTOR.


“Ako ay masaya na narito at maging bahagi ng paglulunsad ng iba't ibang digital-related na mga programa ng Lungsod ng Victorias. Kapansin-pansin ang mga programa sa ilalim ng Sidlak City Digital Network Assets na mag-streamline ng mga proseso ng gobyerno, magsusulong ng kadalian sa paggawa ng negosyo, at magbibigay ng maginhawang paraan para ma-access ng mga mamamayan ang mga serbisyo ng e-government,” sabi ni Lamentillo.


Idinagdag niya na mahalagang bigyang-priyoridad din ng Lungsod ang Project VECTOR o Victorias Emergency and Crisis Tactical Operation and Response, dahil ang mga disaster risk reduction at management system ay napakahalaga sa pagtiyak na ang mga sakuna ay hindi makasisira sa pag-unlad.


Binigyang-diin din ng Undersecretary na habang ang pag-digitize sa mga proseso at serbisyo ng gobyerno ay isang malaking gawain, batid ng isang mahusay na lider na ito ay hindi maiiwasan at isang karapat-dapat na pamumuhunan na tiyak na hahantong sa mas mahusay na mga pagkakataon sa paglago.


“Natitiyak ko na ang Lungsod ng Victorias sa pamumuno ni Mayor Javi Benitez ay may iba pang mga programang ilulunsad habang tinatahak nito ang landas tungo sa pagiging Smart City. Makatitiyak kayo na ang DICT ang magiging katuwang ninyo sa paglikha ng isang malakas, matatag, at inklusibong digital city,” aniya.


Bago ang paglulunsad, nakibahagi si Lamentillo sa pagpupulong ng Association of Chief Executives (ACE) ng Negros Occidental kung saan idiniin niya na ang mga LGU ay mahalagang katuwang sa pagtiyak ng tagumpay ng mga programa sa ICT.


“Ang gusto nating lahat ay isang mas mabuting pamahalaan na mahusay na makapagbibigay ng mga serbisyong kailangan ng ating mga mamamayan at magbukas ng mga pagkakataon para sa paglago ng ating mga komunidad at mas magandang buhay para sa mga Pilipino,” aniya.


Nagpahayag din ng suporta ang mga alkalde ng lalawigan upang matiyak ang tagumpay ng isinasagawang SIM Registration.


“Nasa grassroots na ngayon ang information campaign sa pagpaparehistro ng SIM. Nakipagpulong tayo sa Association of Chief Executives (ACE) ng Negros Occidental sa Lungsod ng Victorias. Ang mga alkalde ay nangangako na suportahan ang SIM Registration sa pamamagitan ng paghikayat sa kanilang mga nasasakupan, pagbibigay ng suporta para sa assisted registration, at pagpapakalat ng impormasyon sa mga barangay upang matiyak na maabot natin ang ating mga kababayan sa lahat ng lugar,” ani Lamentillo.

Next Item
Previous Item
Back
bottom of page