Hindi na bago sa politika at serbisyo publiko si Ferdinand Alexander Marcos, o mas kilala bilang Sandro, ang panganay na anak ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM) at abogada na si Liza Araneta-Marcos.
Pinanganak at lumaki sa Laoag City, kinagisnan na ni Sandro ang politika dahil sa kaniyang ama na gobernador noon ng Ilocos Norte. Katunayan, iniuugnay niya ang kaniyang pagnanais na magserbisyo publiko sa ehemplo na ipinakita ng kaniyang magulang, lalo na ni BBM.
Tumatakbo ngayon si Sandro, na may master’s degree sa Development Studies mula sa London School of Economics and Political Science, sa pagka-kongresista bilang kinatawan ng 1st District ng Ilocos Norte. Bagamat ito ang kanyang unang pagsabak sa pulitika, mayroon na siyang karanasan sa serbisyo publiko.
Nagsilbi si Sandro bilang miyembro ng legislative staff ni House Majority Leader at Leyte 1st District Rep. Martin G. Romualdez, na naging mentor niya sa pang-araw-araw na gawain ng House of Representatives, kabilang na ang mga estratehiya upang mapabilis ang pagpasa ng mga legislative priorities ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng House leadership.
Nagsilbi rin si Sandro bilang economic consultant ng Lalawigan ng Ilocos Norte sa ilalim ni Gobernador Matthew Joseph Manotoc. Kabilang sa kanyang mga responsibilidad ay ang pagtiyak sa mabilis at maayos na pamamahagi ng pagkain at iba pang tulong sa mga mamamayan ng Ilocos Norte, kabilang ang COVID recovery assistance program para sa mga may-ari ng sari sari store, food packs at fishing gears sa mga mangingisda, tablets para tulungan ang mga estudyante sa distance learning, at marami pang iba.
Naging instrumento siya sa pagbibigay ng tulong at oportunidad sa libu-libong Ilokano na pinaka-naapektuhan ng biglaang pagkawala ng kita at kabuhayan sa gitna ng patuloy na pandemya.
Kabilang din sa mga inisyatiba ni Sandro ay ang SANDbox, na inilunsad sa Pagudpud noong Pebrero. Ito ay naglalayon na suportahan ang mga mag-aaral na nangangailangan ng access sa Internet at mga teknolohiya ng e-learning, pahusayin ang pagkamalikhain o creativity sa mga kabataan, at magbigay ng working space para sa mga lokal na negosyante.
Aniya, ang SANDbox ay isa lamang sa marami pang proyekto na kanyang pinaplano para sa lalawigan. Nais niyang mas palakasin at patatagin ang ekonomiya ng Ilocos Norte.
Kung mahalal sa kongreso, kabilang sa mga prayoridad ni Sandro ay ang ipagpatuloy ang mga hindi pa natatapos na proyekto, lalo na sa kanyang distrito, at isulong ang regularisasyon ng mga opisyal ng barangay na tumatanggap lamang ng honorarium sa kabila ng kanilang mahalagang trabaho sa kanilang mga komunidad, lalo na sa panahon ng pandemya.
Nais rin niyang matulungan ang lalawigan na palawakin ang mga oportunidad sa agrikultura—sa halip na naka-sentro lamang sa pagtatanim ay papasok na rin sila sa paggawa ng mga value-added products. Kabilang na rin dito ang pagmomodernisa ng kanilang farming systems.
Ayon kay Sandro, sasangguni siya sa kaniyang mga kakailians o kapwa Ilokano upang mas maintindihan ang kanilang mga pangangailangan.
Handa rin siyang makipagtulungan sa kaniyang mga katunggali sa pulitika basta’t may kakayahan ang mga ito at handa ding makipagtulungan sa kanya.
Binigyang-diin ni Sandro na tumatakbo siya sa pagka-kongresista dahil sa kaniyang pagnanais na pagsilbihan ang mga Ilokano, lalo na upang siguraduhin na sa gitna ng patuloy na pandemyang ito, matutugunan ang mga isyu at malulutas ang mga problema.
Comentarios