Ang pagpapabuti ng post-harvest management at ang pagkakaloob ng mga post-harvest facility ay kabilang sa mga mahahalagang hakbang upang mapataas ang productivity at competitiveness ng ating mga magsasaka at mangingisda.
Ang isang pag-aaral mula sa Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA) na inilabas ngayong taon ay nagpakita ng malaking pagkalugi sa post-harvest na naranasan ng mga industriya ng mangga, kamatis at sibuyas sa Pilipinas.
Kabilang sa mga binanggit sa pag-aaral na pinondohan ng Asian Development Bank (ADB) ay ang mangga na mula sa Pangasinan at dinala sa Maynila na nagtala ng post-harvest loss na 30.85 porsiyento, o 31,581 tonelada na nagkakahalaga ng ₱1.5 milyon. Ang post-harvest loss sa pag-aani ng cold stored red onions mula Bongabon, Nueva Ecija hanggang sa maidala sa pamilihan sa Divisoria, Maynila ay nasa 63.90 porsyento, na may tinatayang volume na 69,333 tonelada at nagkakahalaga ng ₱4.01 bilyon. Habang ang post-harvest loss sa bagong aning kamatis mula Bukidnon, Northern Mindanao hanggang sa pamilihan sa Maynila ay nasa 24.14 porsyento, na katumbas ng tinatayang 9,928 tonelada at nagkakahalaga ng ₱180 milyon.
Sa sektor ng pangisdaan, base sa datos ng gobyerno, halos 40 porsiyento ng kabuuang produksyon ng isda at kita ng mga mangingisdang Pilipino ay nauubos dahil sa kakulangan ng post-harvest equipment.
Ayon naman sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), isang attached agency ng Department of Agriculture (DA), ang post-harvest loss sa mga pangunahing farm commodities sa Pilipinas ay mula 10 hanggang 50 porsiyento.
Noong ako ay nasa Department of Public Works and Highways (DPWH), halos pare-pareho ang hinaing ng mga magsasaka at mangingisda na nakilala namin habang gumagawa ng mga farm to market roads. Daing nila ang kakulangan ng post-harvest facility na nagreresulta sa pagkawala ng kita at nakakabawas sa kanilang productivity.
Ayon sa DA, ang kanilang mga programa sa modernisasyon ay naglalayong bawasan ang mga pagkalugi pagkatapos ng ani. Sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Modernization Program, ang mga makinarya sa sakahan ay ipinamamahagi sa mga Farm Cooperatives and Associations (FCA) batay sa tindi ng pangangailangan ng mga grupong ito. Layunin ng programa na bawasan ang halaga ng produksyon ng bigas sa pagitan ng ₱2-₱3 kada kilo at bawasan ng tatlo hanggang limang porsyento ang post-harvest loss.
Mula noong 2020, nasa 19,285 farm machines na ang naipamahagi ng PhilMech sa mga kwalipikadong FCA. Kabilang sa mga uri ng farm machine ay four-wheel tractor, one-hand tractor, rice combine harvester, disc plow, precision seeder, walk behind transplanter, riding type transplanter, reaper, thresher, mobile rice mill, single-pass rice mill, multi -pass rice mill, mobile dryer, at recirculating dryer.
Inaasahan rin ng DA na maipatupad na ang proyekto nitong Fisheries and Coastal Resiliency (FishCoRe), na naglalayong suportahan ang modernisasyon ng Philippine capture fisheries at aquaculture industry, sa pamamagitan ng pagbibigay ng technical support at innovation, access sa moderno at matatag na imprastraktura ng pangisdaan at post-harvest facilities, at pagsulong ng efficient connectivity at product value addition, bukod sa iba pa.
Bukod sa pagkakaroon ng mga programang ito, dapat magkaroon ng mas maagap na diskarte upang maabot ang ating maliliit na magsasaka at mangingisda. Kailangan nating tukuyin ang mga higit na nangangailangan ng suporta ng gobyerno. Huwag natin asahan na may pagkakataon ang ating mga magsasaka at mangingisda mula sa mahihirap na komunidad na magpupunta sa mga opisina ng gobyerno at magpasa ng mga dokumentong kinakailangan upang ma-access ang mga subsidy at mga programa ng gobyerno.
Dapat nating isulong ang pagkakaroon ng community-based post-harvest at processing facilities. Ang mga lokal na pamahalaan ay dapat tumulong at sumuporta sa mga pamayanan ng pagsasaka sa pagbuo ng mga kooperatiba upang ma-access nila ang mga programang modernisasyon ng DA, gayundin upang sumailalim sa kinakailangang pagsasanay upang mabigyan sila ng kaalaman at wastong pangangalaga at paghawak ng mga kagamitang ito.
Kailangan nating suportahan at palakasin ang ating sektor ng agrikultura dahil ito ang pangunahing pinagkukunan ng kita at trabaho ng ating bansa. Higit sa lahat, habang ibinibigay ng ating mga magsasaka at mangingisda ang mga pangangailangan sa pagkain at nutrisyon ng ating bansa, dapat ay bigyan din sila ng gobyerno ng suporta na kailangan nila upang madagdagan ang kanilang kita, mapabuti ang kanilang produksiyon, at magawang makipagsabayan sa sektor ng agrikultura ng ibang bansa.
Comments