top of page
Writer's pictureAnna Mae Yu Lamentillo

Patungo sa pagiging ‘trillion-dollar economy’


Ang ulat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. (PBBM) sa mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng State of the Nation Address (SONA) ay nagpahiwatig na ang Pilipinas ay patungo na sa minimithing “trillion-dollar economy”. Isa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamabilis na lumalagong ekonomiya sa mundo.


Ang ating Gross Domestic Product (GDP) ay nagrehistro ng paglago ng 7.6 porsiyento noong 2022. Para sa 2023, ang pagtataya ng World Bank ay nasa 6 porsiyento ang magiging kabuuang paglago. Ang GDP sa unang quarter ay nasa 6.4 porsyento, naaayon ito sa ating 6 hanggang 7 porsiyentong target para sa 2023.


Ang inflation rate, na isa sa mga hamon na sumalubong kay PBBM sa pagsisimula ng kaniyang panunungkulan, ay patuloy na bumababa—mula sa 8.7 porsiyento noong Enero, ang inflation ay nasa 5.4 porsiyento noong Hunyo.


Binanggit ng pangulo ang malaking kontribusyon ng digital economy dito, na nasa dalawang trilyong piso noong 2022, na katumbas ng 9.4 porsiyento ng ating GDP. Ang ating mga pagsusumikap sa digital na pagbabago ay magbibigay-daan sa atin na ilabas ang buong potensyal ng e-commerce.


Alinsunod dito, inatasan ni PBBM ang gobyerno na ganap na yakapin ang digitalisasyon upang magbigay ng mas mahusay na serbisyo sa mga tao. Binigyang-diin niya na ang digitalisasyon ng mga serbisyo ng gobyerno ay hindi lamang nagpapabuti sa kahusayan at ease of doing business, nilalabanan din nito ang katiwalian.


Binanggit ng Pangulo ang eGov PH app ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na magsasama-sama ng lahat ng mahahalagang serbisyo ng gobyerno sa isang mobile application. Ang Departamento ay magtatatag din ng National Government Portal at Philippine Business Databank, at dapat na pagbutihin ang bilis ng internet sa ating bansa.


Ang ating fixed broadband speed noong Hunyo ay ika-47 sa 180 na mga bansa. Ito ay mas mataas ng 11 na baitang kaysa noong nakaraang taon. Habang ang bilis ng mobile internet ay ika-83 sa 142 na bansa, na 8 baitang na mas mataas kaysa sa ranking noong nakaraang taon.


Upang higit na mapabuti ang bilis at sakop ng internet connectivity, ang digital connectivity ay bahagi ng pangkalahatang programa sa imprastraktura ng administrasyong Marcos Jr. Sa ilalim ng "Build Better More Program," 194 infrastructure projects na nagkakahalaga ng 8.3 trilyong piso ang isasagawa.


Ang pagpapaunlad ng imprastraktura ay mahalaga sa ating pag-unlad, lalo na dahil ito ay magbibigay-daan sa mga kinakailangang pamumuhunan sa pisikal at digital na koneksyon, agrikultura, mapagkukunan ng tubig, kalusugan, at enerhiya. Kaya naman ako ay natutuwa na ang pangulo ay nakatuon na panatilihin ang paggasta sa imprastraktura sa 5 hanggang 6 na porsiyento ng ating GDP.


Nakatutuwang masaksihan ang pagpapatuloy ng mga proyekto tulad ng Luzon Spine Expressway Network Program na magpapabilis ng paglalakbay sa pagitan ng Ilocos at Bicol mula 20 oras ay magiging 9 na oras na lamang; pati na rin ang Mega-Bridge Program—isang serye ng maiikli at mahahabang tulay na mag-dudugtong sa mga islang lalawigan upang tuluyang mapag-ugnay ang Luzon, Visayas at Mindanao sa pamamagitan ng land travel. Ito ay kinabibilangan ng Bataan-Cavite Interlink Bridge, ang Panay-Guimaras-Negros Island Bridge, at ang Samal Island-Davao City Connector Bridge, bukod sa iba pa.


Ang mga kalsada at tulay na ito, at iba pang mga proyektong pang-imprastraktura, ay makaaakit ng mas maraming pamumuhunan, magpapahusay sa koneksyon at accessibility, at magpapalakas ng ekonomiya.


Kumpiyansa tayo na ang pagtatayo ng mga proyektong ito ay hindi mapipigilan dahil mayroon tayong bagong tatag na Maharlika Investment Fund na magagamit nang wasto ang mga pondo ng gobyerno na underutilized.


Sa pagkakaroon ng pondong ito, ang pamahalaan ay maaaring mamuhunan at makatitiyak tayo ng mas maraming pondo para sa mga high-impact project at iba pang mga programa na kapaki-pakinabang sa kagalingan ng ekonomiya ng bansa.


Sa pangunguna ni PBBM, ang Pilipinas ay nasa landas patungo sa layuning maging isang upper middle income na bansa.

bottom of page