Sa panahon ngayon, napakahalaga ng digital connectivity. Ang pag-aaral, trabaho, kabuhayan, negosyo, pag-access sa mga mahahalagang serbisyo ay maaari nang gawin online. Maraming pagkakataon ang nagbubukas para sa mga may access sa internet at mayroong digital skills. Samantalang ang kakulangan ng mga ito, ay nangangahulugan ng mabagal na paglago at pag-unlad.
Halos kalahati ng populasyon ng mundo ay wala pa ring access sa internet, at ang layunin ng United Nations ay ang bawat tao ay dapat magkaroon ng ligtas at abot-kayang access sa Internet, kabilang ang makabuluhang paggamit ng mga digitally-enabled na serbisyo alinsunod sa Sustainable Development Goals, pagdating ng 2030.
Mula sa simula, paulit-ulit na idiniin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pangangailangang magbigay ng digital connectivity sa lahat ng Pilipino sa lahat ng sulok ng bansa.
Ang digitalisasyon ay isang mahalagang bahagi na ng pandaigdigang ekonomiya, kaya naman binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan na makasabay ang ating bansa dito. Para magawa ito, dapat na malutas ang digital divide at tiyakin na ang mga Pilipino ay may ligtas, abot-kaya, at maaasahang internet connectivity.
Upang matiyak at mapabilis ang patuloy na pag-unlad ng digital infrastructure sa bansa, inatasan ng Pangulo ang institusyonalisasyon ng mga streamlined guidelines para sa pag-iisyu ng mga permit, lisensya, at certifications para sa pagtatayo ng telecommunications at internet infrastructure sa bansa.
Sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 32, ang mga requirement para sa pagtatayo ng imprastraktura sa telekomunikasyon at internet ay ang mga building permit na inisyu ng Office of the Building Official; Height Clearance Permit mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP); mga clearance ng homeowners association at iba pang community clearance; mga clearance mula sa iba pang ahensya ng gobyerno; at iba pang mga kinakailangan ayon sa ipinag-uutos ng Konstitusyon at mga umiiral na batas. Walang ibang pambansa o lokal na permit o clearance ang kakailanganin sa pagtatayo, pag-install, pagkukumpuni, pagpapatakbo, at pagpapanatili ng mga imprastraktura ng telekomunikasyon at internet.
Ipinag-uutos din sa mga LGU na mag-set up ng one-stop shop para sa construction permits, na magbibigay ng frontline services sa mga aplikanteng kumukuha ng building permit at iba pang kaugnay na sertipiko.
Ang lahat ng sakop na ahensya ng gobyerno at LGU ay inaatasan na magpatupad ng zero backlog policy sa lahat ng aplikasyon para sa mga permit at clearance na sakop ng EO 32. Kailangan rin nilang magsumite kada taon ng listahan ng mga nakabinbing aplikasyon at pagsunod sa Anti-Red Tape Authority (ARTA).
Ang Technical Working Group (TWG) on Telecommunications and Internet Infrastructure, na pinamumunuan ng Department of Information and Communications Technology (DICT), ay magsisilbing oversight body upang matiyak ang mahusay na pagpapatupad ng kautusan, at gagawa ng mga implementing rules and regulations ng EO sa loob ng 60 araw mula sa bisa ng utos.
Comentarios