“Nais natin ay hindi lamang tagumpay ng Halalan sa Mayo, kung hindi ang tunay na tagumpay ng pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.”
Ito ang mensahe ni presidential frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM) noong proclamation rally ng UniTeam sa pagsisimula ng kampanya. Ito rin ang mensahe na binibigyang-diin ni BBM at ng kaniyang running mate na si Mayor Inday Sara Duterte sa bawat bayan at probinsiya na binisita nila sa nakalipas na tatlong buwan.
Nasa dulo na tayo ng kampanya, at ang mensaheng ito ng pagkakaisa ay tumatak na sa puso at kaisipan ng mga Pilipino. Ito ay malinaw na ipinahihiwatig sa mainit na pagtanggap ng ating mga kababayan saan man magpunta ang UniTeam, gayundin ang resulta ng mga pre-election surveys kung saan parehong nangunguna at nanatili ang malayong agwat ni BBM at Mayor Sara sa kanilang mga katunggali.
Masidhi ang pagnanais ng bayan ng magkaroon ng pangulo at pangalawang pangulo na nagkakaisa, dahil mas malayo ang ating mararating kung magkatulong ang dalawang pinakamataas na lider ng bansa. Ang positibong enerhiyang ito ay mararamdaman ng tao at ito ay lilikha ng produktibong kapaligiran dahil ang mga Pilipino ay mahihikayat din na magtulungan.
Binibigyang-diin nina BBM at Mayor Sara ang pagkakaisa bilang unang hakbang para malampasan ang krisis na dulot ng pandemya. Ito ay magiging mahalaga din dahil ang UniTeam ay naglalayong maipagpatuloy ang mga magagandang gawain ng administrasyon ni Pangulong Duterte tungo sa mas maunlad na bukas.
Ang Plataporma ng UniTeam
Pagkakaisa ang pangunahing mensahe dahil dito nakasalalay ang tagumpay ng pagpapatupad ng plataporma ng UniTeam. Kabilang dito ang pagbangon mula sa pandemya, pagpapatuloy ng programang "Build, Build, Build," pagpapahusay sa digital infrastructure ng bansa, pagtiyak na ang healthcare ay aabot sa lahat, pagpapalakas ng agrikultura at turismo, at pagpapaunlad ng ating human capital.
Para sa agrikultura, nais ng UniTeam na paigtingin ang research and development upang makapamahagi ng bagong impormasyon at kaalaman tungkol sa pagtatanim na akma sa panahon ngayon. Ang irigasyon at libreng patubig ay hindi mawawala dahil ito ay serbisyo ng gobyerno. Nais rin nila mapabuti ang produksyon ng agrikultura sa pamamagitan ng agricultural infrastructure, mekanisadong pagsasaka, mga farming inputs at kagamitan sa sakahan; at magtatag ng mga food terminals at Kadiwa stores.
Ipinangako rin ni BBM at Mayor Sara na ipagpapatuloy nila ang programang “Build, Build, Build” ni Pangulong Duterte upang makalikha ng maraming trabaho. Kabilang dito ang pagtatayo ng mga digital tower, railway, tulay at mga skyway—na ayon kay BBM ay magsisilbing mga tulay upang tayo ay mas lalong magkaisa. Sa digital infrastructure, ang pagtutuunan ng pansin ay ang pagpapabuti ng mga ito upang magkaroon ng mas maaasahan at abot-kayang serbisyo sa internet para sa mga consumer, e-commerce, at lahat ng nangangailangan ng online function upang mag-operate.
Upang paigtingin ito, nangako si UniTeam senatorial candidate Mark Villar na maghahain siya ng panukalang gawing institusyonal ang “Build, Build, Build.” Matatandaang sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Mark, nakumpleto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang 29,264 kilometrong kalsada at 5,950 tulay, bukod sa iba pang mga proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng “Build, Build, Build”, na lumikha ng 6.5 milyong trabaho.
Binigyang diin naman ni BBM ang kahalagahan ng pagpapasigla sa industriya ng turismo. Itutulak ng UniTeam ang domestic tourism para sa agarang paglikha ng mga trabaho; pararamihin ang mga tourist spot, at pagbubutihin o magtatayo ng mga paliparan, daungan, kalsada at susuportahan ang mga lokal na atraksyong panturista; at palalakasin ang mga live events at MICE (meetings, incentive travel, conventions, exhibitions) industry.
Sisiguruhin din ng UniTeam na ang healthcare ay paaabutin sa lahat, titiyakin na ang mga rural health units ay may doktor, nurse, at midwife kahit sa liblib na lugar. Dadagdagan din ang mga specialty hospitals sa mga probinsiya, at palalakasin ang health information system sa pamamagitan ng digital infrastructure.
Sinabi rin ni BBM na dapat ay patuloy ang pagbabakuna laban sa COVID-19 upang ligtas na makapag-hanapbuhay ang mga Pilipino. Kaugnay dito, dapat paigtingin ng mga barangay health clinics ang mass information dissemination campaign tungkol sa mga available na bakuna at booster shots.
Kasama rin syempre ang mga overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang mga pamilya sa prayoridad ng UniTeam. Binigyang-diin ni Mayor Sara na dahil ramdam nila ang mga suliranin, pangangailangan, at damdamin ng mga OFWs, makakaasa ang ating mga bagong bayani na kaagapay nila ang UniTeam sa pagsulong ng kanilang karapatan at tagumpay.
Sisiguruhin nila na maging operational na ang Department of Migrant Workers ng Enero 2023. Nais nilang magtayo ng OFW hospitals sa bawat rehiyon na tutugon hindi lamang sa pangangailangang medikal ng mga OFW, ngunit maging ng kanilang mga pamilya.
Magbigay rin ng scholarship para sa mga OFW dependents; magsasagawa ng mga retraining para sa reintegration ng mga OFW o kaya ay skills upgrade; at tutulong sa pagtatatag ng OFW retirement plans.
Para sa kabataan, nais ng UniTeam na lalo pang mapabuti ang kalidad ng edukasyon, una na rito ang pagtiyak ng patuloy na pag-aaral at pagsasanay ng mga guro upang mas maging epektibo sa pagtuturo. Magbibigay din sila ng mas maraming scholarship upang makapagbigay ng mas magandang oportunidad sa kabataan. Binigyang-diin ni BBM na nais ng UniTeam na bigyan ng boses ang kabataan at mas maging aktibo ang mga ito a sa mga isyung direktang kinasasangkutan nila.
Marami pang ibang plano ang UniTeam kaugnay ng iba’t ibang mga isyu at pangangailangan ng bansa. Kasama na rito ang pagtiyak ng mas maaasahan at abot-kayang kuryente sa pamamagitan ng pagpapalawak sa paggamit ng renewable energy sources; pag-institutionalize ng mental health programs, kabilang ang pagkakaroon ng awareness campaigns tungkol sa mental health; pagpapalakas ng disaster risk reduction o ang ating kakayahan na mabawasan ang pinsala na dulot ng mga kalamidad; at pagpapatuloy ng mga anti-insurgency program ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Nangako rin ang UniTeam na itataguyod ang pangangalaga sa kapaligiran at isulong ang sustainable development.
Handang-handa nang magtrabaho si BBM, Mayor Sara at ang buong UniTeam upang tuloy-tuloy na ang pagbangon ng bansa mula sa mga hamon ng pandemya at iba pang mga krisis. Gaya nga ng laging sinasabi ni Apo Bongbong, “Sama-sama tayong Babangon Muli!”
Comments