Ang Hunyo ay itinalaga bilang "Pride Month" sa maraming bahagi ng mundo, kabilang ang Pilipinas. Sa buwan na ito ipinagdiriwang ang mga tagumpay na nakamit sa pagsusulong ng LGBTQIA+ visibility. Ginagamit din ang okasyon na ito upang patuloy na ipaglaban ang pantay na hustisya at pantay na pagkakataon para sa mga lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex, asexual — o sinumang tao, anuman ang kaniyang kasarian at sexual orientation.
Nitong mga nakaraang araw ay lalong lumakas ang panawagang maipasa ang panukalang naglalayong ipagbawal ang diskriminasyon sa batayan ng sexual orientation, gender identity at gender expression o ang SOGIE Equality Bill, hindi lamang dahil sa Pride Month ngunit dahil sa insidente ng diskriminasyong naranasan kamakailan ni Sass Sasot.
Inimbitahan si Sass na maging guest speaker sa isang graduation ceremony ng isang high school sa Cavite. Nagsasalita na siya sa entablado nang biglang pinatayan siya ng mikropono at ilaw. Hindi daw gusto ng grupo ng simbahan na may-ari ng lugar na may miyembro ng LGBTQIA+ community na nagsasalita sa kanilang entablado.
Anuman ang itinakda sa kontrata sa pagitan ng grupo ng simbahan at ng paaralan ay sa pagitan na nila. Ngunit muling binibigyang pansin ng insidente ang diskriminasyon batay sa SOGIE.
Ang unang Anti-Discrimination Bill, na nagbabawal sa diskriminasyon batay sa sexual orientation, ay inihain sa Kongreso noong 2000. Mahigit dalawang dekada na ang lumipas, hindi pa rin natin naisabatas ang panukala sa kabila ng paghahain nito sa bawat Kongresong nagdaan.
Sa pagsisimula ng 19th Congress, tiyak na muling ihahain ang SOGIE Equality Bill. At tulad ng mga nakaraang taon, magiging masalimuot ang paglalakbay; ngunit sana sa pagkakataong ito ay tuluyan na itong maisabatas.
Ang isinusulong sa panukalang ito ay hindi espesyal na pagtrato para sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community, ngunit ang kasiguraduhang mapagkakalooban sila ng pantay na karapatan at pagkakataon, at para rin sa kanilang proteksyon laban sa diskriminasyon at karahasan.
Nakasaad sa ating Konstitusyon na, “The State values the dignity of every person and guarantees full respect for human rights.” Isinasaad din dito na “No person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law, nor shall any person be denied the equal protection of the laws.”
Nakasaad naman sa Republic Act No. 9710 o ang Magna Carta of Women na, “No one should therefore suffer discrimination on the basis of ethnicity, gender, age, language, sexual orientation, race, color, religion, political or other opinion, national, social or geographical origin, disability, property, birth, or other status as established by human rights standards.”
Sa kabila ng mga batas na ito, patuloy pa rin ang diskriminasyon at karahasan laban sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community.
Matatandaan na noong 2014, pinatay ni U.S. Marine Joseph Scott Pemberton ang transwoman na si Jennifer Laude. Noong 2019 naman, isang transwoman ang na-harass nang subukan niyang pumasok sa banyo ng mga babae sa isang mall sa Quezon City sa kabila ng pagkakaroon ng Gender Fair Ordinance ng local government unit na nagpoprotekta sa mga tao mula sa harassment at diskriminasyon batay sa SOGIE.
Bagama’t may mga lokal na ordinansa na nagpoprotekta sa mga karapatan ng LGBTQIA+ community, ang nakaraang insidente na kinasangkutan ni Sass sa Cavite—na may Provincial Ordinance na ipinagbabawal ang diskriminasyon laban sa sinumang tao o grupo batay sa SOGIE—ay nagpapakita ng pangangailangang magkaroon ng pambansang batas.
Ang panawagang magkaroon ng SOGIE Equality Law ay malayo sa pagbibigay ng espesyal na pagtrato sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community. Ito ay tungkol sa pagtiyak na hindi magiging dahilan ang kasarian at sexual orientation ng isang tao para maging iba ang pagtingin sa kaniya ng lipunan; ito ay tungkol sa pagbibigay ng katiyakan na ang bawat tao ay maaaring magkaroon ng pantay na access sa mga pagkakataon para sa pag-aaral, trabaho, at sariling pag-unlad nang hindi napapailalim sa diskriminasyon, pangungutya, at panliligalig batay sa kasarian; ito ay tungkol sa pagtataguyod ng mga pangunahing karapatang pantao ng bawat tao.
Comments