top of page

Ang papel ng kabataan sa pagpapatibay ng demokrasya


Noong Hunyo 19, ipinagdiwang natin ang Araw ng mga Kabataang Pilipino, kasabay ng anibersaryo ng kapanganakan ng ating Pambansang Bayani, si Dr. Jose Rizal, na kumbinsido na ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan.


Sa kanyang mensahe, hinamon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kabataang Pilipino na maglingkod sa komunidad at tumulong sa mga nangangailangan. Hinikayat din niya ang mga kabataan na pagyamanin ang kanilang kaalaman at talento, na kinakailangan bilang susunod na mga pinuno ng bansa.


Naniniwala akong ang mga kabataan ay dapat maging bahagi ng diskurso, lalo na sa digital age. Ang Millennials at Gen Z, na lumaki kasabay ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, ay makapagbibigay ng mga bagong ideya at makabagong solusyon sa mga matatagal nang suliranin.


Mahalaga ang papel ng kabataan sa pagbuo ng matatag na demokrasya. Sa ulat ng Community of Democracies (CoD) na pinamagatang Democracy and Security Dialogue, binigyang-diin na ang youth empowerment ay mahalaga sa pagsugpo sa violent extremism. Ayon sa ulat, ang mga bansang may mas kaunting partisipasyon ng kabataan sa pamamahala at kakulangan ng mga programa para sa youth empowerment ay may mataas na antas ng kanilang kabataang populasyon na may mga extremist ideology.


Kaya mahalaga na bigyang-kapangyarihan ang mga kabataan na makiisa sa pulitika at ekonomiya ng bansa.


Ang Pilipinas, bilang isang demokratikong bansa, ay nagtataguyod ng karapatan sa pagboto. Dapat nating hikayatin ang kabataang Pilipino na makibahagi sa demokratikong prosesong ito hindi lamang bilang isang karapatan, kundi bilang isang responsibilidad. Halimbawa, dapat tiyakin ng mga kabataang Pilipinong nasa hustong edad na nakarehistro na sila para makaboto sa susunod na halalan sa 2025.


Naglabas din ang CoD nga mga rekomendasyon upang mas mahikayat ang mga kabataan na makiisa sa pagtataguyod ng demokrasya. Kabilang sa mga rekomendasyon ay ang pagbibigay boses sa kabataan sa mga polisiya at batas; pag-oorganisa ng mga youth assembly bilang paraan sa pag-crowdsource ng kanilang mga pananaw at opinyon; pagsasama ng edukasyong sibika sa curriculum ng paaralan; pampublikong paggasta sa mga kabataan na higit pa sa edukasyon, dahil ang mga pamumuhunan sa imprastraktura, sports facilities, community spaces, ay mahalaga din upang mapabuti ang buhay ng mga kabataan; at pagkontra sa maling impormasyon, bukod sa iba pa.


Dito sa Pilipinas, mayroon tayong mga batas, tulad ng Republic Act No. 8044, na lumikha ng National Youth Commission upang mamuno sa paggamit ng buong potensyal ng kabataan bilang katuwang sa nation building. Samantala, ang Republic Act No. 10742, ang Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015, ay nagbibigay ng isang matibay na balangkas upang hikayatin ang mga kabataan na hindi lamang lumahok sa mga aktibidad ng pamahalaan at mga gawaing pampubliko at sibiko, kundi upang mapaunlad din ang kasanayan sa pamumuno at pagkamakabayan.


Sa kasalukuyan, may panukala na muling buhayin ang mandatory Reserved Officers Training Corps (ROTC) para sa mga mag-aaral sa kolehiyo, dahil ito ay pinaniniwalaang mabisang kasangkapan para sa pagbuo ng kakayahang mamuno, disiplina, pananagutan, at pagkamakabayan sa mga kabataang Pilipino.


Ang karaniwang paniniwala ay iyong mga may ilang dekadang karanasan lamang ang may kakayahang mamuno ng wasto at makapagbigay ng mga solusyon sa mga hamon na kinakaharap ng ating mga komunidad at ng ating bansa sa kabuuan. Hindi natin dapat isantabi ang boses ng kabataan, silang mga walang takot na sabihin ang sa tingin nila ay tama—dahil kung hindi man ganun, nakabubuting makarinig ng mga bagong pananaw dahil nagbibigay din ito ng mga sariwang ideya maging sa mga lider na may malawak nang karanasan.


Habang inihahanda natin ang mga kabataan na maging susunod na mga pinuno ng bansa, dapat natin silang hikayatin na maging bahagi ng diskurso at yakapin sila bilang mga responsableng mamamayan na ganap na may kakayahang maging bahagi ng nation building.

Commenti


bottom of page