top of page

Lamentillo maglalabas ng Night Owl sa Bisaya

September 18, 2023

Malapit nang ilabas ang “Night Owl: A Nationbuilder’s Manual” na isinalin sa Bisaya, ayon sa may-akda nitong si Anna Mae Yu Lamentillo, Undersecretary ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at dating Build, Build, Build committee chair.


Sinabi ni Lamentillo na ang edisyong Bisaya ay isang pagpupugay kay dating Pangulong Rodrigo R. Duterte, isang Bisaya, na nagsumikap na makumpleto ang 29,264 kilometrong kalsada, 5,950 na mga tulay, 11,340 estrukturang pang-iwas sa baha, 222 evacuation centers, 150,214 na mga silid-aralan, at 451 mga proyektong daungan sa loob ng limang taon.


Aniya, ang pagsasalin ng Night Owl sa mga lokal na wika ay nakatutulong sa pagpapalaganap ng kahalagahan ng pagpapaunlad ng imprastraktura sa mas maraming Pilipino.


“Nais nating maibahagi kung paanong sa pamamagitan ng Build Build Build ay napabuti natin ang buhay ng mga Pilipino at naiangat ang mga komunidad, lalo na iyong mga dati ay walang access o nahihirapang ma-access ang mga paaralan, palengke, ospital, mga pagkakataon sa kabuhayan, at mga pangunahing serbisyo,” saad pa niya.


Ang Night Owl, na isinulat ni Lamentillo at inilathala ng Manila Bulletin Publishing Corporation, ay nagsasalaysay ng paglalakbay ng bansa tungo sa pagpapabuti ng buhay at masaganang pagkakataon na dulot ng Build Build Build ni dating Pangulong Duterte. Isinasalaysay din nito kung paano nalampasan ng DPWH, sa ilalim ng pamumuno ni noo’y Secretary Mark A. Villar, ang mga hamon ng right-of-way, ghost projects, at hindi naabot na mga deadline sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya at pagpapalakas ng transparency at accountability measures.


Kasama rin ang isang kabanata sa digital infrastructure program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilalim ng Build Better More thrust—na magpapatuloy sa nasimulan ng Build Build Build kasama ang isang malakas na digital infrastructure program upang matiyak na ang lahat ng Pilipino ay magkaroon ng access sa abot-kaya at maaasahang internet—na magbibigay hindi lamang ng mga pagkakataong matuto ng mga bagong teknolohiya kundi pati na rin ng access sa online learning, telemedicine, online banking, at iba pang digital services.

Next Item
Previous Item
bottom of page